Statement of the CFC International Council, September 6 2025

Panawagan para sa Pagpapanibago ng Lipunang Pilipino

September 06, 2025

May mukha na ang pandarambong at pagnanakaw. Umaalingasaw na ang kabulukan ng katiwalian. May araw-araw na imahe na ang resulta ng kuntsabahan para pagpasasaan ang kaban ng bayan. Ramdam na ramdam ang pagpapabaya at pananamantala sa pamamahala.

Nakapanlulumo. Nakapanlulumo ang hindi natin pag-usad dahil sa pagkaganid. Nasasayang ang pagsisikap ng mga lumalaban nang parehas para may maipantustos sa pamilya at maiambag sa bayan.

Nakagagalit. Nakagagalit na may nawawalang mga buhay at kabuhayan dahil lamang sa pagmakasarili ng iilan at kawalan ng pakundangan ng mga maykapangyarihan. May solusyon sa pagbaha kung ang pondo para rito ay masinop na ginagagamit sa tama.

Nanghahamon ang panahon. Nagpapakilos. Umaalingawngaw ang tagubilin ni Papa Francisco:

“Ang kinabukasan ng sangkatauhan ay nakasalalay hindi lamang sa kamay ng mga dakilang pinuno, mga dakilang maykapangyarihan at mga piling tao. Ito ay pangunahing nakasalalay sa kamay ng mga karaniwang tao at sa kanilang kakayanang mag-organisa. Ito ay nakasandig sa kanilang mga kamay, na makapaggagabay sa proseso ng pagbabago na ito, nang may kababaang-loob at tapang.”

Nakagagalak. Nakagagalak ang namumuong pagkakapatiran at pagtataya ng mga tao at mga grupong sumisigaw ng pagbabago. Nawa ay lumalim pa ang ganitong pagpapanagpo.

Magpatuloy sana ang pananalangin ng bayan para tumibay ang loob nito at magpunyagi na papanagutin ang mga maysala, sugpuin ang pagkabulok at pagpanibaguhin ang sistema ng pamamahala.

“Ako’y muling naninikluhod para sa panibagong pagpapahalaga sa pulitika bilang isang dakilang bokasyon at isa sa pinakamarangal na uri ng kawanggawa, yamang ang dapat naisin nito ay ang pangkalahatang kabutihan.”

(Papa Francisco, Fratelli Tutti 180)

Kaisa po ang Couples for Christ sa paghahasik at pagtatayo ng isang pamahalaang tunay na maka-Diyos, maka-buhay, maka-pamilya, maka-mahirap, at maka-kalikasan.

May pag-asa pa. At hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa. (Roma 5:5)

The CFC International Council

ARNEL M. SANTOS
CFC Chairman/President

RABBONI FRANCIS B. ARJONILLO

MICHAEL B. BUKUHAN
.
GEORGE B. CAMPOS

STEVEN R MANINGAT

EDFER LAWRENCE J. QUINTERO

VIRGILIO D.G. RAFAEL

REYNALDO A. REYES

BENJAMIN NORMAN M. ROBLES


(Isinalin mula sa Address of Pope Francis to Popular Movements, 9 July 2015)

Share on Socials:

Get in touch with us

Any inquiries? Feel free to message us and we will get back to you as soon as we can.