You're in the Global Website |
A Private International Association of the Faithful of Pontifical Right


ARTICLES > SOCIAL DEVELOPMENT PROGRAMS

CFC Project ReForm – Nagbibigay pag-asa at panibagong buhay

“Masakit sa dibdib.”

 

Ito ang tugon ni Noel. Kinamusta ko kasi siya pagkagaling namin sa bilangguan. At naintindihan ko ang ibig niyang sabihin; lubos kong nauunawaan. Masakit naman talaga sa dibdib.

 

Tatlong araw kaming nagsanay. “How to be an amazing counselor for Drug Rehabilitation.” Kasama ang limampung iba pa, natuto kami ng sari-saring istilo: sa pakikipag-usap, pakikinig, pakikitungo, at pagpapayo sa kapwa lalo na yaong mga nalulong sa droga.

 

Pang-apat na beses na namin ni Noel ito. Mula nang ilunsad ang CFC Project ReForm, nakapag-training at nakapag- practicum na kami sa isang Youth Rehabilitation Center sa Quezon City; sa mga batang lansangan ng 20th Avenue, Cubao; sa isang Youth Rehabilitation Center sa Cebu; at ito nga-- sa isang bilangguan sa Cavite.

 

Bukod pa dito ay ang mga aktwal na pagsisilbi sa mga na-Tokhang sa Cubao at sa Libis, at ang edukasyon kontra- droga para sa mga kabataan at estudyante, lalo na sa isang unibersidad sa Makati. At si Noel, labing- isang taon na siyang nagsisilbi – walang suweldo – sa Drug Rehab sa Bicutan. Mula noong Singles for Christ, hanggang maging Couples for Christ, kada biyernes, bumabyahe siya mula sa kanyang bahay sa Taytay para makapaglingkod sa Bicutan.

 

Malaking inspirasyon ang iba-iba naming kasama sa kada training. May mga duktor, abogado, taga-bangko, may-ari ng hotel, matagumpay na negosyante, taong-gobyerno, maybahay, retirado, estudyante, manggagawa sa simbahan, mga misyonaryo at iba pa. Mga taong ang nais lamang ay may gawin at may maitulong, kahit kaunti, sa kapwa at sa bayan.

 

Nakamamangha lalo na ang aming trainor. Mula pa sa Indonesia, bumabyahe kada buwan sa Pilipinas para turuan at ibahagi ang kanyang mga nalalaman. Gratis et Amore. Mayroon pa siyang kasamang mga volunteer facilitators, na hindi pinalalagpas ang anumang pagkakataon para makapag-counsel, kaninuman.

 

Ang nakaraang training ay isinagawa sa Tagaytay, mula noong biyernes hanggang Linggo. Sa tulong ng ilang lider ng CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP ECPPC), Volunteers in Prison Service (VIPS) at CFC Isaiah 61:1 prison ministry, nagpaunlak ang dalawang jail wardens, at nagkaroon nga ng jail visit sa dalawang (2) bilangguan-- isa sa Tagaytay at isa sa isang bayan sa Cavite. May 500 bilanggo sa isa; 120 naman sa kabila.

 

Kami ni Noel, at dalawampung iba pa ay na-assign sa bilangguan na may 120 na preso. Ang mga lalaking volunteers ay tumuloy sa selda ng mga lalaking bilanggo; ang mga babae sa babae. Araw iyon ng dalaw at yaong mga walang dalaw ang inimbita para makausap ng mga volunteers.

 

Masakit sa dibdib. Dahil pagpasok palang, nagbago na ang temperatura, halumigmig (humidity), lasa, at amoy ng hangin. Hindi siya mabaho dahil malinis ang paligid, ngunit nakasusulasok pa rin. Para kang nakikipag-agawan sa kakaunting preskong hangin para lang makahinga. At kahit ano pang punas ang iyong gawin, mababasa at mababasa ka sa pawis.

 

Masakit sa dibdib. Dahil binulaga kami ng mga presong nasa dalawang maliit na selda; may double deck na kama na may mga nakaupo, tabi-tabi, dikit-dikit at siksikan. Yung nasa pangalawang deck, nangakatungo dahil halos maumpog na sa kisame.

 

Gayunpaman, nakita ko ang mga volunteers, nakikipag-usap, tao-tao. 

 

Alam ko ang proseso. Tatanungin sila na magbigay ng limang magagandang alaala. Pagkatapos ay tatanungin kung mayroon siyang dinaramdam o anumang negatibong pinagdadaanan. Matapos nito – collapsing anchors ang istilo na gagawin sa konteksto ng isang tunay na pagdarasal o pray-over.

 

Masakit sa dibdib. Dahil may mga tao palang minsan ay walang maibigay na magandang alaala. O ang maganda niyang alaala ay noong makulong siya at nagkaroon ng kaibigan sa kulungan. O maganda na ang alaala na dalawin siya ng isang beses makalipas ang dalawang taon, o matawagan siya ng Nanay na nagtatrabaho sa ibang bansa. 

 

Masakit sa dibdib na marinig na may mga presong mas ginugusto pang maging preso kaysa lumaya at baka mapatay lang sa labas. O mamasdan ang isang mukha habang namumutawi sa labi niya nang may buong paninindigan, na ‘ayos ang buhay ko dito, total naman wala na akong pag-asa pang magbago.’

 

Kinailangan kong mauna sa aking mga kasamahan dahil may isang meeting pa ako noong hapon na iyon sa isang magarang restawran sa Estancia Mall. May dinner date din kaming mag-asawa sa aming dalawang anak.

 

Sa awa ng Diyos, maluwag na sa dibdib na kahit paano ay may nangyari sa aming mag-asawa na may katuturan, para sa ‘min, at harinawa para sa iba. 

 

Lalo na nang kinabukasan ang laman ng balita ay ito:

 

“Help prevent bloodshed in war on drugs, Duterte tells Church

 

DAVAO CITY — Minus the cuss words that often went with his tirades against the Catholic Church, President Rodrigo Duterte challenged Church leaders to help prevent bloodshed in his war on drugs by taking the “preemptive move” of convincing drug suspects to reform.”

 

Pero masalimuot talaga ang laban kontra droga. Dahil noong kinabukasan din yon, laman din ng dyaryo ay ito: “13-year old shot dead in Pasay”. Kahapon naman: “PH A client state of Bamboo Triad, says Duterte”. At ngayong umaga ang tumambad ay ito: “Three killed in Malolos Drug Busts.”

 

Masakit. Masakit sa Dibdib. Kaya hindi puwedeng magkibit-balikat lang.

 

Malayo pa.

 

Marami pa… ang gagawin. Natin.

 

(Ed’s Note: The author prefers to remain anonymous.)

Added on Monday, October 2, 2017


MORE SOCIAL DEVELOPMENT PROGRAMS ARTICLES



 

#156 20th Avenue, Cubao, Quezon City, Philippines
TRUNKLINE: (632) 709-4868 FAX NO: (632) 709-4844
Home | The Organization | Ministries | Programs | Formation | Communications | Contact Us

Copyright 2013-2020 All Rights Reserved   Privacy Policy Bookmark and Share