You're in the Global Website |
A Private International Association of the Faithful of Pontifical Right


ARTICLES > THE GOOD NEWS

CFC MM, Nakiisa sa Walk for Life

“SALAMAT sa Council of the Laity of the Philippines na siyang nanawagan para sa Walk for Life. Kaming mga pari at obispo ay kasama ninyong laykong lingkod sa bawat hakbang. Hindi kami mauuna; baka hindi kayo makasunod. Hindi kami maglalakad sa likod; baka maiwanan ninyo kami. Maglalakad kaming mga obispo at pari katabi ninyo. Kaagapay. Kaibigan. Kasama sa paglalakad. Sa Luneta, pantay-pantay tayo. Sabay-sabay.”

 

Ito ang mensaheng ipinahayag ni Archbishop Socrates Villegas, Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines at Arsobispo ng Lingayen-Dagupan noong madaling araw ng ika-18 ng Pebrero, 2017 sa Luneta sa pagsisimula ng Walk for Life, isang prusisyon ng mga Katoliko laban sa death penalty. Kasama ng humugit-kumulang 10,000 katao ang mga lider at kasapi ng Couples for Christ sa Metro Manila sa okasyong ito.

 

Ang Walk for Life, na nagsimula ng 4:30 ng umaga, ay pinangunahan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas. Kasama ng layko ang mga ilang lider ng Simbahang Katoliko tulad nina Luis Antonio Cardinal Tagle ng Archdiocese of Manila, Laiko head Bishop Broderick Pabillo, Bishop Ambo David ng Diocese of Kalookan, Bishop Valentin Dimoc ng Bontoc-Lagawe na naglakad at nagdasal para tutulan ang pagbabalik ng death penalty sa bansa.

 

Lahat ng sectors ng CFC sa Metro Manila ay may halos 200 na kinatawan sa mapayapang paglalakad na ito. Bukod pa dito ang mga leaders at members ng Handmaids of the Lord. Samantala, ang mga Singles for Christ na nasa Iloilo para sa kanilang SFC ICon ay nakiisa sa pamamagitan ng panalangin.

 

‘Huwag matakot sa dilim’

 

Hinikayat pa ni Archbishop Villegas ang mga walkers na huwag katakutan ang dilim, bagkus ay labanan ang mga bagay na tinawag nyang “sins that violate life”:

• Abortion, na kasalanan laban sa buhay ng sanggol.

• Blasphemy o ang paglapastangan sa ngalan ng Diyos.

• Corruption na nagiging sanhi ng pagkamatay at pagyurak sa dangal ng tao.

• Droga, na syang pumapatay sa mga inosenteng biktima nila.

• Execution, na dating tinatawag na bitay, na ngayon ay naging salvaging, naging summary execution, naging EJK.

 

“Malapit nang sumikat ang araw. May pag-asa tayo. Huwag matakot sa dilim. Huwag mamuhay sa takot. Kumakalat ang takot at pananakot. Tinatakot tayong papatayin. Tinatakot tayo at nagpapatakot tayo. Walang mananakot kung hindi tayo magpapatakot,” dagdag pa ni Archbishop Villegas.

 

Bukod sa pagsali sa Walk for Life, naglabas din ng isang one-page newspaper  advertisement ang Couples for Christ at Sangguniang Laiko ng Pilipinas noong February 16, 2016 sa The Philippine Star. Pinamagatang “Death penalty is not the answer!”, ipinahayag sa advertisement ang pagkakaisa ng CFC at ng Simbahan sa mariing pagtutol sa parusang kamatayan.

 

Samantala, hinikayat naman ni Luis Antonio Cardinal Tagle ng Archdiocese of Manila ang paglalakad, hindi lamang dahil may Walk for Life, kundi sa pang-araw-araw na buhay.“Ito po ang pakiusap: Gawin ninyo araw-araw ang buhay na paglalakad para sa buhay. Hindi lamang ngayon. Araw-araw, maglakad para sa buhay. Saan? Sa tahanan, sa barangay, sa ating mga kalye, sa mga paaralan, sa tindahan, sa mga opisina, sa bangketa, sa mga umpuk-umpukan, sa sinehan, sa plaza, at sa lahat ng sulok at larangan ng lipunan,” aniya.

 

Hinikayat din ni Cardinal Tagle ang lahat ng naroon para gumamit ng active non-violence para tutulan ang kultura ng karahasan. “Kapag ang tugon sa karahasan ay karahasan din, nadoble ang karahasan. Hindi dapat dinodoble o pinalalaganap ang karahasan. Ito ay tinutumbasan ng non-violence,” wika ni Cardinal Tagle.

 

Dagdag pa n’ya, “Ang lakas ng katotohanan, ang lakas ng katarungan, ang lakas ng dangal, ang lakas ng pagkalinga, ang lakas ng pagdamay, ang lakas ng pag-unawa, ang lakas ng pagpapatawad, ang lakas ng pagkakasundo, ang lakas ng pagmamahalan, ang siyang pipigil sa nakamamatay na karahasan. Lakas, hindi dahas!”

 

 

Natapos ang Walk for Life sa isang praisefest na pinagunahan ni Joemar  Salumbides, International Coordinator ng CFC Servants of the Lord. Ang magasawang Mike at Cha Bukuhan naman ang tumayong emcee sa buong programa. Mababasa ang kabuuan ng mga mensahe nina Cardinal Chito Tagle at Archbishop Socrates Villegas sa www.couplesforchristglobal .org. (Alma Alvarez)

Added on Thursday, March 02, 2017


MORE THE GOOD NEWS ARTICLES



 

#156 20th Avenue, Cubao, Quezon City, Philippines
TRUNKLINE: (632) 709-4868 FAX NO: (632) 709-4844
Home | The Organization | Ministries | Programs | Formation | Communications | Contact Us

Copyright 2013-2018 All Rights Reserved   Privacy Policy Bookmark and Share